Isang 33-anyos na tricycle driver ang sumuko sa pulisya at inamin umano ang ginawang pagpatay at pagsunog pa sa bangkay ng isang 19-anyos na dalaga sa Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing Pebrero 11 nang maiulat na nawawala ang biktima. Kinabukasan ng Pebrero 12, isang sunog na bangkay ng babae ang natagpuan sa damuhan sa Barangay Maddiangat sa bayan ng Quezon.

Kinalaunan, kinilala ng mga kaanak na ang nawawalang dalaga ang nakitang sunog na bangkay.

Ayon sa pulisya, sinunog daw ng suspek ang bangkay ng biktima para maitago ang ginawa niyang krimen.

Inaalam pa ngayon ng mga awtoridad kung ginahasa ng suspek ang biktima bago pinatay at sinunog.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya. sinabing may nakitang bahid ng dugo at hibla ng buhok at iba pang bakas ng DNA sample sa loob ng sasakyan na ginamit ng suspek para madala ang bangkay ng biktima sa lugar kung saan ito sinunog.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News