Apat ang patay matapos salpukin ng isang kotseng nawalan umano ng preno sa Angono, Rizal. 

Inaresto ang 66-taong gulang na driver na haharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries.

Pasado ala-una ng hapon nitong Linggo, binabaybay ng mga sasakyan ang kahabaan ng Manila East Road sa Barangay San Isidro sa Angono nang biglang, dumating ang isang pulang kotse.

Nabangga nito ang isang motorsiklo na nagresulta sa pagtilapon ng rider at kanyang angkas. Dumiretso naman ang kotse sa isang bakery.

Sa isa pang kuha ng CCTV, nakitang umiwas ang isang paparating na jeep at napatigil din ang mga kasunod na motorsiklo. 

Naipit sa bumper ng kotse ang tatlong nadamay na tao. Dalawang iba pa ang tumilapon naman sa bakery kung saan napunta ang nabanggang motorsiklo.

Ayon kay Jovencio Bagaporo, guwardiya ng subdivision, sobrang bilis ng pulang sasakyan at parang bumulusok.

Sinabi naman ni PEMS Hector Cardinales, imbestigador ng Angono Police, na ayon sa driver ng kotse na nawalan siya ng preno. 

“Allegedly nawalan ng preno 'yung driver, pabulusok pababa hanggang sa magdire- diretso siya, nasalpok niya 'yung magboyfriend na naka-motor tapos dumire-diretso dun sa naka-standby saka 'yung namimili dun sa bakery na dalawang bata," pahayag ni Cardinales. 

Dead on the spot ang 69-anyos na babaeng homeless na nakatambay daw sa lugar nang mangyari ang aksidente ayon sa pulisya. Isinugod sa ospital ang apat na iba pang biktima.

Namatay rin kalaunan ang 15-anyos na binatilyo. Sinubukan namang i-revive ang 26-anyos na babaeng rider pero binawian din siya ng buhay habang nasawi rin kaninang madaling araw ang 23-anyos niyang kasintahan na kanyang angkas.

Nakaligtas naman ang 13-anyos na binatilyo na nagtamo ng ilang bungi sa ngipin at mga galos.

Labis ang hinagpis ng mga kaanak na mga pumanaw na biktima.

Kwento nila bumiyahe ang magkasintahan para sana dumalo sa isang birthday party sa Tanay, Rizal ng maganap ang insidente.

“Sobrang malapit po sa akin 'yung dalawang 'yun eh. Sobrang malaki po 'yung panghihinayang namin na wala na 'yung dalawang 'yun, may plano pa sila, marami silang gustong gawin sa buhay,” ayon kay Jeng Lazaro, kaanak ng nasawing biktima. 

"Kakamatay lang kasi ng nanay niyan, ang papa niya, senior citizen na, meron siyang one-year-old na anak. Ngayon, si Ella biglang nawala. Siya 'yung breadwinner sa kanila kaya parang ang bigat," kwento ni Catherine Molinar, isa pang kaanak ng biktima.

Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang driver ng kotse pero tumanggi siyang humarap sa kamera.

"Sabi niya na nawalan siya ng preno hangga't sa na-out of control na siya sa kanyang minamanehong sasakyan," pahayag ni Cardinales.