Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Huwebes na magkakaroon ng 50% diskuwento sa pamasahe sa mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), simula sa Marso 23, 2026.
Ang naturang hakbang ay alinsunod umano sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagaangin ang pasanin ng mga pasahero sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East sa pamamagitan ng pagbibigay ng diskuwento sa pamasahe.
Sa isang abiso, sinabi ng DOTr na ang 50% diskuwento sa MRT-3 at LRT-2 ay maaaring awtomatikong makuha ng mga may hawak ng asul na Beep card.
Para naman sa mga sasakay gamit ang single journey tickets, ang pamasahe ay awtomatikong mababawasan ng 50% sa bayad, ayon sa ahensya.
Bukod dito, mananatili pa rin ang 50% diskwento na tinatamasa ng mga may hawak ng puting Beep card—kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante.
Sinabi ng DOTr na mananatili ang diskuwento sa pamasahe sa MRT-3 at LRT-2 hanggang sa susunod na ilalabas na abiso.
"Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng gulo sa Middle East. Prayoridad natin ang tuloy-tuloy na biyahe at mas murang pamasahe kaya magbibigay tayo ng 50% discount sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat," ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez. — Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

