Bibida sa unang pagkakataon ang Sparkle star at ex-Pinoy Big Brother housemate na si Anton Vinzon sa Kapuso series na “Kamao.” Sino naman kaya ang natitipuhan niyang maging leading lady?

“Kung sino ang maibigay sa akin ng management, why not? And kung makikitaan ng chemistry. Wala naman akong pinipili,” tugon ni Anton sa isang panayam, na iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes.

“Ngayon may CarTon (Carmelle Collado), may KrysTon (Krystal Mejes), may Lelton (Lella Ford), sana maka-work ko po sila soon sa GMA,” pagpapatuloy ni Anton.

Ayon kay Anton, ang “Kamao” ay isang family drama na sesentro sa kuwento ng boxing.

Ipinangako ng aktor na pag-iigihan niya, at gagamitin ang natutuhan sa GMA Prime series na “Mga Batang Riles.”

Samantala, muling makakasama ni Anton ang co-star niya sa “Mga Batang Riles” na si Bruce Roeland.

Makakasama rin niya sa “Kamao” ang kaniyang ama na beteranong aktor na si Roi Vinzon, pati na rin sina Katrina Halili, Amy Austria, Wendell Ramos at Neil Ryan Sese. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News