Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na isa namang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang dinakip dahil umano sa pag-post ng mga video ng airstrikes sa social media. Dagdag ito sa dalawang naunang OFW na hinuli sa United Arab Emirates (UAE).

Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, humingi ng tulong sa mga awtoridad ng Pilipinas ang OFW sa KSA matapos ang kaniyang pagkakaaresto.

Sinabi ng DMW na magbibigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng tulong sa lahat ng apektadong Pilipino, kabilang ang mga nakakulong sa Saudi Arabia at UAE dahil sa kahalintulad na mga paratang.

“We will help these 3 OFWs ... na humarap sa kanilang kaso, while they’re are incarcerated. We respect their laws, we respect their processes but we will provide for legal assistance. Libre po ang abugado na ibibigay natin sa kanila,” ani Olalia.

Binigyang-diin ng ahensya na habang iginagalang ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga batas at legal na proseso ng mga bansang pinagtatrabahuhan ng mga OFW, patuloy itong magbibigay ng libreng legal na tulong at iba pang kinakailangang suporta sa mga Pilipino doon.

Kasabay nito, muling nagpaalala ang DMW sa mga Pilipino sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia at UAE, na iwasan ang pag-post o pagbabahagi ng mga video ng airstrikes at iba pang sensitibong pangyayari sa social media. Ang pag-post ay maaari umanong lumabag sa mga lokal na batas at makaapekto sa mga operasyong pang-seguridad ng mga bansa na kanilang kinaroroonan.

Ang pinakahuling pag-aresto ay kasunod ng naunang kumpirmasyon ng Philippine Embassy na may dalawang OFW na nakadetine sa UAE dahil umano sa pag-post ng mga video ng missile attacks sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East na kinasasangkutan ng Iran, Israel, at Estados Unidos.

Ayon sa embahada, nagbigay na ito ng legal na tulong sa OFW, ipinaalam sa kani-kanilang pamilya ang pangyayari, at patuloy na nagbibigay ng updates at suporta.

Samantala, nagpadala na ng bagong chartered flight ang pamahalaan patungong UAE upang tumulong sa pagpapauwi (repatriation) ng mga OFW at iba pang Pilipinong apektado ng tumitinding tensyon sa rehiyon.—  JP Soriano/FRJ GMA Integrated News