Pumanaw na si Tsutomu Shibayama, na kilala sa dekada na niyang trabaho sa minahal na "Doraemon" franchise, sa edad 84.

Sa isang pahayag ng animation studio na Ajia-do na inilathala nila sa opisyal nilang website, kinumpirma ang pagpanaw ni Shibayama, na sinabing pumanaw siya noong Marso 6 dahil sa lung cancer.

Isang kilalang personalidad si Shibayama pagdating sa Japanese animation, na nag-direk ng "Doraemon" film series nang mahigit 20 taon at nagsilbing punong direktor para sa matagal nang telebisyon adaptation ng sikat na robotic cat na nanggaling pa sa hinaharap.

Bago at pagkatapos ng "Doraemon," nagtrabaho rin si Shibayama bilang animation director sa mga classic series tulad ng "Dokonjo Gaeru" at "Ganso Tensai Bakabon."

Kalaunan, nagdirek at nanungkulan siya bilang general director ng iba pang sikat na titles, gaya ng “Nintama Rantaro,” “Chibi Maruko-chan,” at “Majime ni Fumajime Kaiketsu Zorori.”

“All of us at the company express our heartfelt gratitude for the kindness and warm support you extended to us during your lifetime,” sabi ng animation studio.

Pribadong isinagawa ang libing ni Shibayama na dinaluhan lamang ng malalapit na kapamilya, alinsunod na rin sa kanilang kahilingan.

Hiniling din ng kompanya sa publiko na huwag nang magpadala ng mga bulaklak, regalong pera, o dumalo bilang pakikiramay.

Pinaplano ang isang memorial service at iaanunsyo sa mga susunod na araw. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News