Ipinalangin ng beteranong deboto na si Ruben Enaje ang pagwawakas ng giyera sa Gitnang Silangan habang nakapako sa krus bilang si Hesukristo sa Maleldo 2026 sa San Fernando, Pampanga.

“Matigil na ‘yung giyera sa Gitnang Silangan. Iyon po ang ipinalangin ko sa itaas ng krus. Kasi tatlo lang ‘yung naglalaban, buong mundo na ang nasasaktan, isa na tayo roon,” sabi ni Enaje sa ulat ni Chino Gaston sa "24 Oras."

Tatlumpu’t pitong taon nang ginagampanan ni Enaje ang papel ni Hesukristo, na taon-taong ipinapako sa isa sa tatlong krus sa pagsasadula ng Via Crucis tuwing Biyernes Santo.

Sinimulan ni Enaje ang kaniyang panata noon pang dekada 80 bilang pasasalamat sa kaniyang paggaling mula sa isang aksidente sa trabaho.

Nauna nang sinabi ni Enaje na magreretiro na siya sa pagganap bilang si Hesukristo at sa pagpapako sa krus, bagay na kaniyang binawi.

Dahil sa matinding init, ilang manonood ang hinimatay at binigyan ng pangunang lunas habang isinasagawa ang pagtitipon.

Nahirapan ang mga organizer dahil sa ilang taong gustong makalapit sa mga aktor sa Senakulo.

Nagulat ang mga organizer na maraming bisita ang dumating sa kabila ng mataas na presyo ng langis at init.

“In-expect din natin na magkakaroon ng epekto ‘yung pong krisis na nangyayari ngayon. Pero, nakita niyo naman, marami pa rin po. Ang napagkasunduan po namin, estimate at this time, ng ating PNP, dito po sa site is more or less 8,000 ‘yun pong mga naging bisita po natin,” sabi ni Raymond Del Rosario ng CDRRMO ng San Fernando, Pampanga.

Samantala, humigit-kumulang 15,000 ang mga dumalong bisita mula sa apat pang lugar ng pagpapako sa krus sa San Fernando. —Jamil Santos/LDF GMA News