Hindi pinalampas ng isang lalaki ang Huwebes Santo at nanloob ng isang bahay sa San Miguel, Bulacan. Ngunit ang may-ari ng bahay, hindi siya inurungan at nakipaghabulan at barilan sa kaniya.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente mag-7 a.m., kung saan mapanonood sa CCTV na nagtatakbo ang isang lalaking nakaberde na may baril at tangay ang mga gamit.
Sa ‘di kalayuan, isang lalaking nakapula ang nakikipagbarilan at humahabol sa kaniya.
Maya-maya pa, umatras ang humabol pabalik sa pinanggalingang bahay matapos magtamo ng tama sa dibdib at agad dinala sa ospital.
“Si suspek ay pinasok siya du’n sa loob ng bahay niya. 'Yung bahay kasi ay may tindahan sa gilid at du’n siya tinutukan. Nanlaban itong si victim hanggang tumakbo siya mabilis papunta roon sa kaniyang sasakyan to get his firearms. Nagbarilan silang dalawa,” sabi ni Police Brigadier General Jess Mendez, Regional Director ng PRO3.
Nasukol ang suspek sa isang sementeryo sa lugar kung saan ito tumakbo at nagtangkang magtago sa follow-up operation ng pulisya.
“In less than 24 hours we were able to arrest the suspect at nakuha rin natin 'yung baril na ginamit niya during the shooting incident,” sabi ni Mendez.
Sinisikap pa ng GMA News na makunan ng pahayag ang suspek.
Wala na sa panganib ang biktima, na positibong kinilala ang suspek na kaniyang nakabarilan nitong Huwebes.
Natukoy ang suspek bilang bagong laya sa kulungan.
"May mga information tayo na-received na ito ay involved na rin sa mga robbery incident diyan sa Bulacan. Ang tinitingnan natin baka dito sa nearby provinces, malapit kasi ‘yan kasi sa Nueva Ecija and Pampanga, so ‘yun 'yung mga vini-verify pa natin as of this time," sabi ni Mendez. — Jamil Santos/VBL GMA News
