Inaresto ang isang babae na bibisita sa nakakulong niyang asawa sa Cagayan de Oro City jail matapos na may makita umanong ilegal na droga sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV nitong Biyernes, sinabing nadakip ang 34-anyos na ginang nitong Huwebes ng umaga sa Cagayan de Oro City Jail sa Barangay Lumbia.

Ayon sa awtoridad, nagtungo ang babae sa male dormitory ng piitan upang bisitahan ang kaniyang asawa. Pero nang kapkapan siya, may napansin umanong kahina-hinala ang mga bantay sa maselang bahagi ng kaniyang katawan

Sinabi ni Jail Inspector Krizza Jane Bermudo, spokesperson ng Cagayan de Oro City Jail-Male Dormitory, na pumayag ang babae na isailalim siya sa strip search, at doon na umano nakita ang mga ilegal na droga.

Nasa 12 gramo umano ang nakitang hinihinalang shabu sa babae na tinatayang nagkakahalaga ng P82,000. May nakuha rin umanong drug paraphernalia sa babae at mga sigarilyo.

Inaresto ng pulisya ang babae na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165). –FRJ GMA News