May aasahang panibagong malakihang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo--partikular sa diesel-- ang mga motorista sa susunod na linggo.
Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw at sa average ng foreign exchange, sinabi ng isang source mula sa oil industry source na posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng diesel at gasolina sa susunod na linggo na:
- Diesel - P17.00 to P19.00 per liter
- Gasoline - P2.00 to P3.00 per liter
Ang MOPS ay ang average daily price assessments para sa mga refined petroleum products (tulad ng gasolina at diesel) sa bentahan sa Singapore, na nagsisilbing regional hub ng oil trading sa Asya.
Ayon naman sa Department of Energy (DOE), simula pa noong Miyerkules, inaasahan na ang panibagong rollback sa presyo ng langis sa susunod na linggo. Hindi umano gaanong naaapektuhan ng banta ni US President Donald Trump ang international oil market na haharangin nila ang pagbubukas ng Strait of Hormuz matapos mabigo ang inisyal na pag-uusap sa Tehran para wakasan ang kaguluhan sa Middle East.
Inaanunsyo ng mga fuel retailer ang opisyal na pagbabago sa presyo tuwing Lunes, at ipinatutupad kinabukasan ng Martes.
Ngayong linggo, nagbawas ang mga kumpanya ng langis ng P4.00 hanggang P6.50 kada litro sa gasolina, habang ang diesel at kerosene naman ay bumaba ng P20.00 hanggang P23.00 kada litro at P8.50 hanggang P11.50 kada litro, ayon sa pagkakasunod.— Ted Cordero/FRJ GMA News
