Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na prayoridad nila ang pagkuha sa mga bumabalik na Overseas Filipino Worker (OFW) na nais na muling magturo sa bansa.

Sa isang ambush interview kamakailan, sinabi ni Angara na ang pagkuha sa mga gurong OFW para mapunan ang mga bakanteng posisyon sa pagtuturo ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Instructions ng Pangulo, talagang i-prioritize yung mga returning OFWs dito sa positions dahil alam n’yo naman, meron tayong malakihang hiring,” ayon kay Angara.

Maliban sa pagbibigay ng prayoridad sa pagkuha sa mga gurong OFW, palalawakin ang mga benepisyo na bahagi ng pagtugon sa pangangailangan sa workforce at sa isinasagawang repatriation sa mga Pilipino na nasa Middle East.

Ayon kay Angara, idinisenyo ang programang “Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS) para tulungan ang mga gurong OFW na makabalik sa local education system, kabilang ang pagbibigay ng pagsasanay para sa mga nawala na sa bansa ng mahigit isang taon.

Dagdag pa niya, maaaring makinabang ang mga nagbabalik na guro sa mas mabilis na pag-angat sa kanilang trabaho.

“Bukod sa nakakuhang trabaho, mabilis din ang kanilang promotion,” ani Angara, dahil na rin sa kaso ng mga guro natanggap at kalaunan ay na-promote.

Sabi pa ni Angara, ang limitadong oportunidad sa promosyon noon ang isa sa mga dahilan kung bakit pinipili ng ilang guro na magtrabaho sa ibang bansa.

“Iyan din kasi ang rason bakit maraming nag-a-abroad na teacher… feeling nila hindi sila nabibigyan ng atensyon,” paliwanag ng kalihim. – Sherylin Untalan/FRJ GMA News