Aksidenteng nakapagligtas ng munting anghel ang isang grupo ng mga kabataan na naghahanap ng mga gagamba sa isang liblib na lugar sa Murcia, Negros Occidental nang makita nila ang isang inabandonang sanggol.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabing naghahanap ng gagamba ang grupo ni Carl Arpon sa Barangay Salvacion noong gabi ng April 15, 2026, nang aksidente nilang makita ang sanggol na nakalagay sa tela na iniwan sa madamong lugar.
Noong una, inakala umano ng mga kabataan na manika ang nasa tela pero gumalaw ito at umiyak.
“Akala namin, manika lang. Nang nag-flashlight na kami, nakita namin ang tiyan niya, humihinga pa siya, umiyak siya. Na-confirm namin na bata,” ani Arpon.
Kinuha nila ang sanggol at dinala sa Murcia Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Ayon kay Elizabeth Agudo, ng Murcia MSWDO, liblib ang lugar kung saan nakita ang sanggol, na may mga marka na ng kagat ng langgam.
“Ibig sabihin, gusto niyang patayin ang kaniyang anak. Wala kasing dumadaan diyan [lugar kung saan nakita ang bata]. Ang daming kagat ng langgam ang bata. Mino-minotor natin siya, naibigay na ang lahat ng laboratory at medicine para sa bata,” ani Agudo.
Tutulong naman ang barangay sa isinasagawang imbestigasyon.—FRJ GMA News
