Inalis na puwesto ang hepe ng isang police station, at maging ang ilang pulis na kasama sa operasyon sa paghuli sa isang suspek na nauwi sa shootout, na may nadamay at namatay na isang 12-anyos na babae sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV nitong Miyerkoles, sinabing rumesponde ang mga pulis mula sa tawag na isang lalaki ang nagpaputok ng baril sa Barangay Labangal noong Abril 18, 2026.
Ayon sa pulisya, pinaputukan sila ng suspek na armado ng kalibre .45 na baril kaya napilitan na silang gumanti ng putok.
Namatay ang suspek at narekober mula sa kaniya ang isang baril at mga sachet na may laman na hinihinalang shabu.
Ngunit sa palitan ng putok, nasawi ang isang batang babae matapos na tamaan ng bala sa ulo. Ayon sa pulisya, ang suspek ang nakabaril sa biktima.
Kinuwestiyon ng pamilya ng bata ang operasyon ng pulisya dahil nagpatuloy sila sa pagbaril kahit ipinaalam na sa kanila na may mga bata sa loob ng bahay na ginamit na “cover” ng mga operatiba.
“Ito yung firearm natin, which is a caliber 45 tapos yung kaniyang hammer is open siya. That means meron siyang chamber load and yung magazine na nakasaksak sa kaniya is an extended mag,” ayon kay Police Regional Office-12 Regional Forensic Unit Team Leader, Police Major Armando Galigo.
Sa kabila nito, iniimbestigahan ng mga awtoridad kung tama ang naging pagpapasya ng mga rumespondeng pulis na makipagbarilan sa isang mataong lugar.
“Kapag crowded ang area, dapat mag-isip-isip ka. Puwede natin i-let go ang apprehension o arrest ng suspect. We can still do regular filing of case in court,” ayon kay Internal Affairs Service-12 Chief, Police Lt. Col. Henry Cay-as.
Tatlong pulis na mula sa Police Station 2 na rumesponde sa lugar, at ang kanilang station commander ang inalis sa puwesto habang isinasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Maaari silang maharap sa administrative case kung mapapatunayan na nagkaroon sila ng kapabayaan.
“In the meantime, yung station commander, I have directed yung administrative relief to pave the way of impartial and thorough investigation,” ayon kay PRO-12 Director, Police Brigadier General Arnold Ardiente.
Sinabi rin ng opisyal na kung kakailanganin ay isasailalim sa refresher training ang kanilang mga pulis.
“If there’s a need for refresher training we will do it depende sa finding ng ating regional education and training division,” saad ni Ardiente. – FRJ GMA News
