Nasagip ng mga awtoridad sa Marawi City ang magkapatid na edad dalawa at lima na inangkin umanong sa kaniya ng dating amo ng ina ng mga bata.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing isinagawa ang rescue operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Iligan City, kasama ang mga tauhan ng Marawi City Social Welfare and Development Office at Department of Justice (DOJ) Action Center.
Batay sa paunang ulat, dinala ng ina ang kaniyang mga anak sa Marawi City kung saan siya nagtrabaho bilang kasambahay.
Mahigit isang taon na umanong magkasamang nanirahan ang mag-iina sa pinapasukan nitong bahay.
Subalit isang araw, napaulat na napilitan ang ina na bumiyahe patungong Villanueva, kaya iniwan niya ang kaniyang mga anak, ayon kay DOJ Action Center-10, Atty. Henry III Legaspi.
Ilang beses umanong sinubukan ng ina na mabawi ang kaniyang mga anak, ngunit tumanggi ang kaniyang dating amo na ibalik ang mga bata, at inaangkin na umanong anak niya ang mga ito.
Nang isagawa ang operasyon, agad na tumakbo ang isa sa mga bata papunta sa kanilang ina.
Dinala ang ginang at ang kanyang mga anak sa DOJ Action Center para sa interbensyon.
Sinabi ni Legaspi na sasailalim ang mag-iina sa reformation program at daraan sa isang uri ng debriefing.
Samantala, patuloy pa ang imbestigasyon at pagbuo ng kaso upang matukoy ang mga nararapat na kasong isasampa laban sa suspek.
Sa kasalukuyan, sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuha ang panig ng suspek. – FRJ GMA News
