Bumoto ang House Committee on Justice nitong Miyerkoles na hindi buksan ang kahon na naglalaman ng income tax returns ni Bise Presidente Sara Duterte at kaniyang asawa na si Manases Carpio.
Ginawa ng House panel ang desisyon matapos makatanggap lamang ng anim na boto ang mosyon na buksan ito, samantalang 38 ang bumoto na huwag itong buksan.
Noong nakaraang linggo, isinumite ng Bureau of Internal Revenue ang kahon sa House panel ngunit pinigil din ang pagbubukas nito, na sinabing pinahihintulutan lamang ito kapag “in aid of legislation” at dapat nasuri sa isang executive session at hindi sa isang public hearing.
Idiniin ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno ng Akbayan party-list na hindi kailangang buksan ang kahon sa puntong ito dahil may sapat nang ebidensiya na makitaan ng probable cause para ma-impeach ang Bise Presidente.
“To be clear, ako'y naniniwala na may kapangyarihan ang committee on justice na buksan ang kahon na 'yan, but to me, the crucial question is kailangan ba nating buksan? The question is in relation to the determination of probable cause and if we are talking about probable cause, para sa akin ay nandiyan na ang ebidensya—sapat na 'yan para makapagdetermina na tayo kahit hindi natin bubuksan ang kahon na 'yan,” sabi ni Diokno.
“Mayroon pong kasabihan sa batas, ex abundanti cautela—with extreme caution—and out of the abundance of caution, I believe that it would be more prudent for us to leave this to the Senate to decide whether to open the box or not,” dagdag pa ni Diokno.
Sumang-ayon sina House Deputy Speaker at Iloilo First District Rep. Janette Garin at Manila Rep. Benny Abante, na sinabing mas maiging talakayin ang mga tax returns kapag iniangat na ang kaso ng impeachment sa Senado para sa impeachment trial.
“We are not the impeachment court. We are just determining probable cause,” sabi ni Garin.
“Let’s leave an element of suspense,” dagdag ni Abante.
Ngunit para sa ibang mambabatas, pagtataksil sa publiko ang hindi pagbubukas ng tax returns ng Bise Presidente.
“Ang pagbubukas po ng mga box ay nagbabago ng kapalaran ng ating bansa. Nakita na natin ‘yan ng 2001. Dapat pong mabuksan ang box na ‘yan dahil ‘pag hindi nabuksan ‘yan, parang tayo ang gumawa ng betrayal of public trust,” sabi ni Senior Deputy Majority Leader at Iloilo Third District Rep. Nonoy Defensor, na tinukoy ang nakasaradong ikalawang envelope noong impeachment trial ni dating Presidente na si Joseph Estrada.
“There is no other mandate for the House of Representatives, having the sole power to initiate impeachment complaints but to open the evidence and to let the members assess and decide for themselves how it will play a part in the exercise of their vote in this committee and in plenary,” dagdag ni Defensor.
Para naman kay House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima ng ML party-list, sinabi niyang mas mataas ang Konstitusyon kaysa iba pang batas.
“Kung papayagan natin ang isang probisyon ng batas, ‘yung NIRC, ang magdidikta o maglilimita sa kapangyarihan ng komiteng ito na isang mahalagang organo sa ating sistema ng pagpapanagot, para na rin nating ibinaba ang Konstitusyon sa antas ng ordinaryong batas. Hindi po ito katanggap-tanggap,” sabi ni De Lima.
“Madam Chair, hindi natin ito masasagot sa paliwanag lamang. Hindi ito matatapos sa mga pahayag. Ang katotohanan ay nasa mga dokumento—at ang tanging paraan upang maabot ito ay ang pagbubukas, pagsusuri, at paghahambing ng mga ito,” dagdag niya.
Sinegunduhan ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre si Defensor, na sinabing “Kailangan nating buksan ang mga dokumentong ito hindi para maghanap ng mali, kundi upang mahanap ang katotohanan. Hindi para manghusga, kundi upang makapagbigay-linaw. Hindi para magdulot ng ingay, kundi upang maibalik ang tiwala.” —VBL GMA News
