Mararanasan ang preskong simoy ng hangin at probinsya feels mula sa isang coffee shop na itinayo sa gitna ng bukid at gulayan sa Pulilan, Bulacan. Ang mga customer, puwede pang mamitas ng mga pananim.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang Cafélisidro ng mag-asawang Eya at Eirone Bundoc, na nakaka-dalawang taon pa lang. Dito, inaalok nila ang kanilang signature coffee blend, matcha latte at strawberry milk.
Ngunit ang kanilang pinakabentahe, ang mga sariwang pananim sa tapat lang nismo ng kanilang puwesto.
Habang naghihintay sa order ang mga customer, puwede muna silang pumitas ng kamatis, talong, sili, sitaw at mais.
“‘Yung pick and pay, available naman siya to everyone. Hindi lang siya for dine-in customers. Wala din naman 'yung entrance fee. So kung gusto lang ng customers maka-experience na 'yung sila mismo 'yung mag-harvest ng gulay, they can experience here,” sabi ni Eya.
“Per kilo 'yung bayad. And competitive naman 'yung prices niya. Naturally grown siya, so wala kaming pesticides,” dagdag niya.
Bukod sa dagdag-kita, malaki ang tulong ng mga sariling tanim nina Eya at Eirone.
“‘Yung pinakamalaking advantage po na andiyan lang 'yung produce, 'yung mga vegetables is readily available siya. So anytime na may umorder, puwede kaming pumitas right away,” sabi ni Eya.
“So hindi na kami lalabas ng palengke para bumili ng mga kailangan, dito na lang. Bukod sa cost-effective na 'yung ingredients namin, healthy pa siya,” dagdag ni Eirone.
Bago maitayo ang negosyo, na-layoff muna si Eya sa dating trabaho habang nagbubuntis sa kanilang panganay. Para may pagkakakitaan, pinasok nila ni Eirone ang food delivery service.
“Kami 'yung nagluluto ng food, tapos kami na din 'yung nagde-deliver. Siya mismo, personally, nagde-deliver ng food order sa customers. Parang nasa isip ko lang na while pregnant ako, at least may ginagawa ako. Hindi ko naisip 'yung after, paano ‘pag nanganak na ako, sino na magluluto?” sabi ni Eya.
Matapos magsara ang kanilang unang food business, inilapit na nila ang sumunod na negosyo sa kanilang hilig – ang kape.
Mithi ng mga magulang ni Eirone na makapagtayo ng kapihan sa kanilang farm kaya sina Eya at Eirone, hindi na nagdalawang-isip na tuparin ang pangarap ng kanilang pamilya.
Mula sa puhunan na P200,000 to P250,000.
“So nu’ng mag-open 'yung scholarship for barista, sabi ko, sige, go, pasukin natin ‘yan. After ko mag-aral, naka-formulate ako ng sariling iced coffee concoctions,” sabi ni Eirone.
Sa kabila ng pag-aalinlangan na magbukas ng cafe sa gitna ng bukid, inilaban nina Eya at Eirone ang dream business.
Kaya naman isang buwan lang mula nang buksan ng negosyo, mabilis nilang nabawi ang puhunan at nabayaran din agad ang mga inutang.
Ngayon, umaabot na ng P300,000 sa gross sales ang kanilang cafe kada buwan.
“'Yung privilege na makita namin habang lumalaki 'yung anak namin while we work, 'yun 'yung pinaka-greatest na blessing siguro na masasabi ko na 'yun 'yung peak ng success,” sabi ni Eya. – FRJ GMA News
