Isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Singapore ang “nawalan” na ng trabaho, natangayan pa ng halos P200,000 dahil sa hangaring makapagtrabaho sa Europe na kinalaunan ay napag-alaman niyang manloloko pala ang kausap niya.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nagtatrabaho na sa Singapore ang 50-anyos na biktimang taga-Iloilo, nang makilala niya ang suspek na nagpakilalang konektado sa isang recruitment agency.

Naniwala ang biktima sa pangako ng suspek na matutulungan siyang makapagtrabaho sa Europe pero hiningan umano siya ng perang panglakad sa mga dokumento gaya ng visa na umabot sa P189,000 ang kabuuang halaga.

“Nag-request siya ng payment. Nagpadala ako kasi, siyempre, ang nasa isip ko is direct na maka-apply ako kasi gusto kong makapunta sa ibang bansa,” ayon sa biktima.

Sa pag-aakalang makakaalis na siya papuntang Europe, iniwan ng biktima ang trabaho niya sa Singapore at umuwi muna sa Iloilo. Dito na niya nalaman na hindi totoo ang inakalang trabaho na papasukan niya sa Europe.

“Nang umuwi ako ng Pilipinas, doon ko na-discover na lahat ng visa, work permit, wala, hindi nagawa. Hiningan ko siya ng resibo, walang maibigay,” sabi ng biktima.

Dahil dito, inireport ng biktima sa Regional Anti-Cybercrime Unit ng Philippine National Police ang nangyari sa kaniya.

Ayon kay Police Lt. Darius Alinsasaguin, chief ng digital forensic ng RACU-6, nabiktima ng scam ang OFW.

“Pasok siya sa scam since walang mga identification card. Hinihingan natin si Ma’am kung may ID ang nagpakilalang agent ng isang agency. Walang maipakita kaya na-scam talaga siya,” sabi ni Alinsasaguin.

Muli ring nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat, lalo na sa mga transaksyon online, upang hindi mabiktima ng mga manloloko.—FRJ GMA News