Inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippines na muling isasailalim sa red alert ang power grid sa Luzon at Visayas ngayong Biyernes.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali, sinabing isinailalim sa red alert status ang Luzon Grid mula 3 p.m. hanggang 10 p.m., at ang Visayas Grid mula 5 p.m. hanggang 9 p.m.
Nangangahulugan ang red alert na hindi sapat ang supply ng kuryente sa demand kaya karaniwang ipinatutupad ang rotational brownout.
Samantala, isinailalim sa yellow alert ang Luzon Grid mula 1 p.m. hanggang 3 p.m., at mula 10 p.m. hanggang 11 p.m., at ang Visayas Grid mula 2 p.m. hanggang 5 p.m., at 9 p.m. hanggang 11 p.m.
Sa ilalim ng yellow alert, manipis ang reserbang kuryente, kaya posibleng magkulang rin ang supply kung magka-emergency.
Inilahad ni Energy Undersecretary Mario Marasigan sa panayam ng Super Radio DZBB na nagkaaberya ang ilang planta at transmission lines kaya nakakaproblema sa supply. – Jamil Santos/FRJ GMA News
