Inilahad ni Janno Gibbs na ang kaniyang paghanga sa ganda ng mga Pilipina na para sa kaniyang ang pinakamagandang lahi sa buong mundo. Ito raw ang inspirasyon niya sa kaniyang bagong single na “Pinay Pa Rin.”
“‘Pinay Pa Rin’ is my love letter to the beauty of Filipinas. Kasi ako, hindi naman ako magsusulat ng imbe-imbento lang. Ako, my personal preference. I think Pinays are the most beautiful sa lahat ng mga lahi. Ilalaban ko sila sa foreign beauties,” sabi ni Janno sa panayam sa kaniya sa Kapuso Showbiz News.
Ayon sa Filipino singer-songwriter, hindi lamang panlabas ang ganda ng Pilipina, kundi pati ang kalooban.
“In the song, of course, ipinagmamalaki ko ‘yung ganda ng Filipina. Pero ‘yung ganda kasi ng Pinay is not only panglabas… pati pangloob natin ng mga Pinay. Compared to other nationalities, mas mababait tayo,” paliwanag niya.
Pinuri ni Janno ang pagka-conservative pa rin ng mga Pinay, sa kabila ng progresibo na ang ibang bansa.
“Compared to other nationalities, mga Pinoy at Pinay, kahit papaano may pagka-conservative pa rin tayo. Which I like. Medyo pabebe pa rin ‘yung mga girls natin. Which hindi mo na mahanap sa ibang country. Masyadong forward na yung ibang countries. So, in and out, beauty. Ang Pinay, winner talaga,” sabi niya.
Good to be back sa GMA Music
Inilahad pa ni Janno ang kaniyang saya sa muli niyang pagbabalik sa GMA Music.
“Alam niyo naman, all of my hits were made here. And aside from ‘yung mga ni-release ko, I made a lot of theme songs for teleseryes here. So, we go way back and GMA Music is family to me. So, it's good to be back,” sabi niya.
Dagdag niya, hindi niya plano na makipagkompitensiya sa mga bagong artist, kundi tatak-Janno pa rin ang kaniyang mga nakalinyang kanta ngunit nakikipagsabayan sa agos ng panahon.
“Well, I'm not here to compete with new artists. I'm not here to experiment too much on new songs. Ang mga maririnig nyo na ilalabas ko, nakapila na sila. Si Janno Gibbs pa rin, pero sasabay tayo nang kaunti sa panahon. Pero ‘yun pa rin ang feel,” saad niya.
Ilan sa mga kantang binuo ni Janno ang “Fallin’” na theme song ng Full House, “Dading” para sa Dading, “Ikaw, Ako at Siya” para sa Ang Dalawang Mrs. Real, “My BFF” para sa My BFF. – FRJ GMA News
