Isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Isabela City sa Basilan ang nasawi habang sugatan naman ang kaniyang asawa matapos silang pagbabarilin sa isang bukirin sa Barangay Lanote noong Huwebes ng gabi, Mayo 14, 2026.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing administrative assistant sa City Accounting Office ang 48-anyos na biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang mag-asawa mula sa trabaho nang pagbabarilin sila ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Kaagad na tinulungan ng mga residente ang mag-asawa upang madala sa ospital. Pumanaw habang ginagamot sa ospital ang babae, habang patuloy na nasa pagamutan ang lalaki.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod sa pamilya ng biktima at nanawagan sa mga awtoridad na pabilisin ang imbestigasyon at papanagutin ang mga may sala.—FRJ GMA News

