Ilang naapektuhan ng lindol ang binaha naman nang bumuhos ang malakas na ulan sa ilang lugar sa General Santos City.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing bumuhos ang malakas na ulan sa Barangay San Isidro dakong 2 p.m.
Tumagal ito ng dalawang oras at nagresulta sa halos abot-tuhod na tubig.
Nalubog kasama ang ilang bahay ang basketball court sa barangay.
Isa sa mga tinitingnang dulot ng pagbaha ang pag-apaw umano ng kalapit na irigasyon.
Ngayong namang long weekend, nakikitang magiging maayos ang lagay ng panahon sa halos buong bansa.
Ayon sa PAGASA, posible pa rin ang local thunderstorms, lalo sa bandang hapon o gabi, tulad ng bumuhos sa General Santos City.
Easterlies ang nakaaapekto ngayon sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Aabot naman sa 40% ang tiyansa ng ulan nitong araw hanggang sa Linggo dito sa Metro Manila, Baguio City at Metro Davao. Mayroon namang 20% ang Metro Cebu nitong Biyernes at sa Sabado, samantalang aabot sa 30% ang rain chance sa Linggo. – Jamil Santos/FRJ GMA News
