Isang pulis ang nasawi matapos barilin habang sinusubukang awatin ang gulo sa loob ng isang KTV bar sa Pontevedra, Capiz nitong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV Ratsada Balita, kinilala ang biktima na si Police Captain Rian Ampoyos, platoon leader ng 3rd Platoon ng First Provincial Mobile Force Company.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na kumakain si Ampoyos kasama ang dalawa pang pulis nang magkaroon ng kaguluhan sa dalawang customer ng establisimyento.

Humingi umano ng tulong ang may-ari ng bar sa mga pulis kaya pinuntahan ni Ampoyos ang dalawang nagkakagulong customer. Pero isa sa mga ito ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktimang pulis na tinamaan sa dibdib.

Dinala si Ampoyos sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.

“Humingi ng tulong ang may-ari ng KTV bar kay Police Capt. Ampoyos at sa dalawa niyang kasamahan. Tumayo na siya, mag-verify sana at mag-pacify. Ang isa sa mga suspek, merong baril, bumunot ito ng baril at without apparent reason, binaril ang biktima,” ayon kay Police Capt. Mark Anthony Garcia, hepe ng Pontevedra Municipal Police Station.

Kaagad namang naaresto ang 38-anyos na suspek pero nakatakas ang dalawa nitong kasama.

Nakuha sa suspek ang isang baril na kalibre .45 na ginamit sa pagbaril kay Ampoyos.

Dahil sa insidente, inirekomenda ng Police Regional Office (PRO)-6 na alisin sa puwesto ang hepe ng Pontevedra Municipal Police Station, dahil sa kabiguan umanong magpatupad ng “Oplan Bakal,” ang kampanya ng Philippine National Police laban sa loose firearms, at iba pang deadly weapons.

“Yung administrative relief ng kanila pong chief of police, dahil for failure po to conduct Oplan Bakal. Sapagkat lehitimo ang kanilang pinag-uusapan about peace and order, dapat po ang nakipag-usap dito ang local na police station,” ayon kay Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, Director of the Police Regional Office (PRO)-6.

Sa ilalim ng mga patakaran ng PNP, hindi pinahihintulutan ang mga pulis na pumasok sa mga bar. Gayunman, iniulat na nagtungo si Ampoyos sa KTV bar upang pag-usapan ang reklamo ng may-ari kaugnay ng mga kaguluhan sa lugar.

Sinabi naman ng PRO-6 na dapat sanang dumulog ang may-ari ng establisimyento sa mismong municipal police na nakasasakop sa lugar. – FRJ GMA News