Natunton ng pulisya sa Quezon City ang isang motorsiklo na tinangay ng riding-in-tandem sa Rodriguez, Rizal, dahil sa tulong ng GPS tracking device. Ang 18-anyos na suspek na naaresto, at nahulihan pa ng baril.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagdating ng riding-in-tandem sa isang lugar sa Rodriguez, Rizal dakong 12 a.m. noong Linggo.
Bumaba ang angkas at lumapit sa isang nakaparadang motorsiklo. Matapos na may kalikutin sa motorsiklo, napaandar na niya ito at tuluyang tinangay.
Ang tunay na may-ari ng motorsiklo, bumisita lang sa kaniyang kaibigan sa lugar, ayon sa pulisya.
“Noong time na pauwi na siya, na-discover niya na du’n sa area na pinarkingan niya nga, eh wala na ang kaniyang motor. So, ni-report niya po ito sa barangay at sa police station kung saan nag-review ng CCTV,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Bryan Pajarillo, Commander ng Project 6 Police Station.
Nahanap ng pulisya ang motorsiklo sa Quezon City dahil sa GPS tracking device nito.
Nadakip ang 18-anyos na lalaki na nagnakaw umano ng motorsiklo. May nakuha pa sa kaniya na isang baril na kargado ng mga bala.
Wala naman siyang naipakitang dokumento na magpapatunay na legal na pag-aari niya ang baril.
“Pagka-verify po natin, natunton natin nga itong motor at na-confirm natin na nandoon nga sa area. Paglapit po ng ating pulis, agad naman po itong humarurot kung saan nagkaroon ng kaunting habulan. Pero eventually na-korner po ito at nahuli dito sa Barangay Pasong Tamo,” sabi ni Pajarillo.
Emosyonal ang suspek nang makausap ng media sa custodial facility ng Project 6 Police Station.
“Sa korte na lang po akong magpapaliwanag,” sabi ng suspek.
Mahaharap siya sa mga reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act, Anti-Fencing Law at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang paghanap ng pulisya sa isa pang suspek.
Iniimbestigahan din kung parte sila na mas malaking grupo na modus ang pagtangay ng motorsiklo.
“Accordingly, ang area of operation nila is sa Rizal and dito sa Quezon City. ‘Pag may nakuha silang motor, para mabilisan po ay binibenta nila sa worth P20,000,” sabi ni Pajarillo. – Jamil Santos/FRJ GMA News
