Sa pagbisita ni Susan Enriquez sa tahanan ni Jeric Raval para sa panayam ng “Susan Tayo Vlogs,” mapapansin na punong puno pa rin ito ng mga Christmas decorations. Bakit nga ba “all-year round” ang spirit of Christmas sa bahay ng aktor? Alamin.
“Kasi Susan lumaki ako sa hirap. Ang nanay ko at saka tatay ko hiwalay na eh. Si nanay, siyempre, teacher ang nanay ko, hindi naman kalakihan ang suweldo ng teacher noong araw,” pagsisimula ni Jeric.
“Pangalawa, ‘pag Pasko nakakaramdaman ako ng saya noon. Saka, ‘pag New Year, ang saya. Gusto ko ‘pag New Year kompleto kami. Lahat kami,” sabi ni Jeric tungkol sa kaniyang mga anak.
“Halimbawa siya, ‘Saan mo gusto mag-Pasko?’ Sige, gusto kong mag-Pasko doon.’ ‘Pero New Year dito kayo lahat.’ Kaya dito ang dami namin ‘pag New Year,” kuwento niya.
Matatandaang 18 ang anak ni Jeric mula sa pitong babae.
Ipinagmamalaki ni Jeric na magbabarkada ang lahat ng kaniyang mga anak.
“Ay, they know each other. Wala akong problema,” sabi niya tungkol sa relasyon ng kaniyang mga anak sa isa’t isa.
Ibinahagi niya kung paano niya ipinakikita ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang mga anak.
“Una-una, time management. Pangalawa, pantay-pantay ‘yan eh. Tingin ko diyan, pantay-pantay,” ani Jeric.
Normal na lamang na naikukuwento ni Jeric ang kaniyang kalagayan na may maraming anak sa iba’t ibang babae.
“Wala, ordinaryo na lang eh. ‘Pag tinanong, ‘May anak pa pala kayo?’ ‘Oo nga.’ ‘Ilan ang anak mo doon?’ ‘Tatlo.’ Mas nakakahiya kasing sabihing, ‘Oo anak ko ‘yun.’ Mas nakakahiya ‘yun tapos pinabayaan mo lang. ‘Ah, ikaw pala ‘yung tatay ng tatlo, ‘yung pinabayaan mo.’ Pangit naman ‘yun,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, walang pagsisisi si Jeric sa pagkakaroon ng maraming anak.
“Hindi naman ako nagsisisi. Mabait naman ‘yung mga anak ko. Pero kung ako ang tatanungin, kung mababalik ko lang ‘yung panahon, siguro ang anak ko, marami na ‘yung lima. Kasi, ang tagal ng panahon na hindi ko na-priority ‘yung sarili ko,” saad niya,
Tunghayan ang buong panayam kay Jeric sa Kay Susan Tayo! Vlogs. Panoorin ang video.—FRJ GMA News
