Sa halip na gumanti ng masama sa mga umaapi umano sa kaniya noon, ikinuwento ni Moi Bien na mas pinili niya na maging mabuti sa mga ito sa pamamagitan ng paglibre.
Sa kaniyang guesting sa “i-Listen with Kara David”, ibinahagi ni Moi, dating kasambahay at personal assistant ni Piolo Pascual, na pag-uwi niya noon sa kanilang probinsya, hinikayat siya ng aktor na kumuha ng mga damit na ine-endorse nito.
“So, nu'ng umuwi ako sa probinsya, maayos-ayos na 'yung suot ko, hindi na 'yung gusgusin, ganiyan. Medyo, feeling ko maganda na ako. Eh, nakita ko 'yung nang-api sa akin nu'ng elementary, sabi ko talaga [sa isip ko], ‘Oh, sino ka ngayon? At sinong maganda sa atin?’ Pero hindi ko na sinabi, kasi baka mamaya sabihin naman, ang yabang,” saad niya.
“Tsaka 'yung nang-api sa akin sa Cogeo, ay, ganoon din. Nilibre ko sila ng pagkain. ‘Oh, ito, pera,’” kuwento pa ni Moi.
“Hindi naman ako 'yung parang sinasabi, ‘O, inaapi niyo ako dati.’ Dati kasi lagi akong nililibre. Tapos noong nagkapera ko, bumalik talaga ako sa Cogeo. Nakagano’n (pamewang) talaga ako. ‘O ito pera pang-inom,’” patuloy niya.
Ayon naman kay Moi, ibinabalik din niya ang kabutihang ipinakita ng ibang tao sa kaniya.
“Gumaganti rin naman ako sa kabaitan ng ibang taong gumawa sa akin. Pero 'yung mga nang -aapi sa akin, nakatayo lang. O, kayo pa rin ‘yan diyan, nalulusak. Ako medyo nakaangat na sa life,” pahayag niya.
Breadwinner ng pamilya
Noong pagbalik niya sa kaniyang probinsya, iniwasan din ni Moi na magtanim na sama ng loob sa kaniyang pamilya.
“Bilang anak, hindi ka rin naman magtatanim ng sama ng loob ka. Parang gusto ko lang na nagawa ko 'yung gusto kong pinangarap ko. Ganoon lang,” patuloy niya. “Hindi naman ako 'yung parang manunumbat. Pero at least nakikita nila kahit papaano may angat-angat ng konti.”
Sa naranasang hirap ng pamilya, hindi ito matiis ni Moi kaya siya nagpapaabot ng tulong hangga’t kaya.
“Meron naman akong kapatid na isang tumutulong din. Hindi ko nga alam kung nakakasama ba ang pagtulong sa kamag-anak or magulang. Masyado mo ba silang bini-baby? Kasi 'di ba, hindi mo naman maalis sa atin. Paano kung wala silang bigas? Hahayaan mo ba sila? Kaso lang, sinasabi rin sa akin ng kapatid, ‘Ikaw kasi wala kang ginawa kundi, maya’t maya tumulong,’” kuwento pa niya.
“Saan ako lulugar kung hindi ko tutulungan? Mamamatay sila sa gutom,” dagdag ni Moi.
Bukod dito, naging hamon din sa kaniya ang pagsustento para sa kolehiyo ng kaniyang anak.
“Kahit kaunti kung may maibigay ka, ayaw ko na lang magsalita. Kasi dati, nakakasakit ka dahil, ‘Ba ‘yan maya’t maya hingi kayo nang hingi.’ So, ayun, hindi ka na lang magsalita. Kung mayroon kang ibibigay, ibibigay mo na lang,” paliwanag niya.
Inamin naman ni Moi na hindi maiwasang maubos na rin ang kaniyang pasensiya, pati na rin ang kaniyang ipon.
Sa kabila nito, inuunawa ni Moi ang sitwasyon ng kaniyang mga magulang, na maysakit at may edad na.
“Pero since matanda na 'yung magulang ko, feeling ko, sige, bahala na. Ipagdasal na lang natin ito.’ Marami akong bills na binabayaran every month. Sasabihin ko, ‘Ganito 'yung gastos ko.’ Pero hindi pa rin nila mag-gets ‘yun. Kasi siyempre wala nga sila,” pahayag niya.
“So kung hindi ko kaya, wala,” pagpapatuloy niya.
Naging kasambahay at personal assistant si Moi ni Piolo Pascual, at umalis sa poder ng aktor matapos ang 16 taon makaraang magkaroon na rin sariling career sa showbiz sa tulong din ng aktor. – FRJ GMA News
