Nahuli-cam sa loob ng isang paaralan ang ginawang pananakit ng dalawang estudyante sa isang 55-anyos na guro sa Maco, Davao de Oro. Ang insidente, nag-ugat umano sa pagsita ng biktima sa suot na hikaw ng isa sa mga nanakitt na estudyante na lalaki.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa gymnasium ng Elizalde National High School nitong Lunes, July 27, 2026.

Ayon sa Maco Municipal Police Station, sinabi ng guro sa mga imbestigador na nasa school gym siya nang utusan niya ang mga estudyante na bumalik sa kanilang mga silid-aralan dahil matatapos na ang recess.

Pinagsabihan din umano niya ang isang lalaking estudyante dahil sa pagsusuot ng hikaw na labag sa patakaran ng paaralan. Nagalit umano ang estudyante at sinubukang suntukin ang guro, ngunit napigilan siya ng iba pang mga estudyante.

Ngunit makalipas ang ilang sandali, isa pang estudyante na kapatid umano ng napagsabihang estudyante ang umatake sa guro mula sa likuran.

Dito na nagtulong ang magkapatid na suntukin ang guro bago namagitan ang iba pang mga estudyante upang awatin ang gulo.

Nagtamo ng sugat ang guro dahil sa pangyayari.

Nagtungo ang news team ng GMA Regional TV One Mindanao sa paaralan, ngunit hindi sila pinayagang makapasok sa campus. Tumanggi rin umano ang punong-guro na magbigay ng pahayag.

Isinangguni na sa Guidance Office ng paaralan ang insidente para sa kaukulang aksyon.

Samantala, isinailalim sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang dalawang estudyanteng sangkot sa insidente.

Nagsagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) Davao de Oro Schools Division kaugnay ng nangyari.

“We are still awaiting the final and official incident report coming from the Schools Division Office of Davao de Oro. Ang magtutudlo, submitted himself for a medical intervention because of what transpired,” ayon kay DepEd-11 Spokesperson Jeneilito Atillo. – FRJ GMA News