Isang bagong silang na sanggol na babae ang natagpuan sa bagsakan ng mga basura sa Tondo, Maynila pasado ala una ng hapon kahapon.

Ang katawan ng biktima, natuklasan sa mismong compound kung saan sine-segregate ang mga basura na nahahakot sa buong lungsod at bago ilipat sa sanitary landfill, ayon sa pulisya.

Nakabalot ng itim na plastic bag ang sanggol.

"Napansin ng namimili dun na may plastic na itim ...nakabalot siya, ngayon nung binuksan kasi kakaiba, ... parang kakaiba yung laman, pagbukas, yun nga natagpuan yung parang bagong silang na sanggol," ani Police Capt, Ryan Jay Balagtas, Smokey Mountain PCP Commander.

Sabi ng pulisya, posibleng kahahakot lang sa mga basura kung saan nakahalo ang sanggol.

Pero hindi na raw malinaw sa ngayon kung saang bahagi ng Maynila ito posibleng itinapon.

"Sa buong Maynila, hindi natin masabi kung saan nila nahakot yung basura na yun," ayong kay Balagtas.

Nag iimbestiga pa raw ang mga awtoridad para matukoy ang eksaktong truck ng basura na pinanggalingan ng sanggol.

Sa oras na matukoy ang magulang at ang responsable sa pagtatapon ng sanggol, maaari siyang maharap sa patong-patong na reklamo.

"Maaari siyang makasuhan ng abortion or infanticide, depende sa kalalabasan ng pag iimbestiga ng medico legal ng bata," ani Balagtas.

Nasa punerarya na ang sanggol na nakatakdang isailalim sa autopsy. — BAP GMA News