Nasawi ang isang 51-anyos na guro matapos siyang 37 beses na saksakin ng kaniyang 38-anyos na mister sa loob mismo ng isang pampublikong paaralan sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City. Ang ugat ng krimen, selos umano.

Sa ulat ni EJ Gomez sa "Unang Balita" nitong Martes, mapanonood ang video ng pagkakagulo sa loob ng paaralan nitong Lunes ng umaga.

Kalaunan, ilang tauhan ng eskuwelahan ang tinulungan ang isang guro na pinagsasaksak na pala sa loob ng kanilang faculty room.

Isinalaysay ng suspek na nakapaglabas-masok pa siya sa gate ng paaralan bago niya walang habas na pinagsasaksak ang asawa niyang teacher.

Ayon sa lalaki, nagpunta siya sa eskuwelahan upang kausapin ang asawa.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, may gwardiya namang bantay sa paaralan.

“Dahil nga itong suspek ay asawa at usually nakikita doon sa lugar, siguro nagkaroon ng kumpiyansa itong guard at hindi niya sukat-akalain na may masama palang balakin ito. At around 8:45 a.m. after the recess, bumalik na ang biktima sa faculty kung saan siya ay sinugod ng suspect at doon na inumpisan siyang atakihin at na-witness ito ng tatlong guro at isang gwardiya,” sabi ni Colonel Sandro Jay DC Tafalla, Chief of Police ng Las Piñas City Police Station.

Nagtamo ng mga saksak sa iba't ibang parte ng katawan ang biktima, na isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Tumakas ang suspek matapos ang pananaksak.

Nahagip pa sa CCTV ang paglalakad ng suspek sa kanto malapit sa eskuwelahan.

Sa isa pang CCTV ng barangay, nagpaikot-ikot naman ng lakad ang lalaki, samantalang hinahabol siya ng ilang residente kabilang ang dalawang guro.

Isang van din ang bumangga sa suspek na armado noon ng patalim para pigilan siyang makatakas.

Dumeretso pa sa paglalakad ang lalaki sa sumunod na kalsada, hanggang sa dumami na ang mga residenteng humabol na sinundan ng mga tanod ng barangay na humantong sa kaniyang pagkaka-aresto.

“May nakita po kami sa kaniyang mga may dugo po sa paa, may dugo rin po sa kamay. May mga talsik din po 'yung kaniyang mga damit ng dugo,” sabi ni Estifanio Castro, Ex-O ng ng Barangay Almanza Dos, Las Piñas City.

“Nakaipit pa sa kili-kili 'yung kutsilyo at nasabi nga nu’ng suspect nu’ng siya ay hinuli, na patay na rin daw siya at ‘di raw siya nagsisisi,” sabi ni Tafalla.

Selos ang nakikitang ugat ng krimen.

“May sinasabi siya na 'yun nga, nagseselos siya. May sinasabi na mayroon daw ibang lalaki na itong babae,” sabi ni Tafalla.

“Noong May 26, 2024 ay nahuli ko po ang aking asawa na may kasamang lalaki sa mismong bahay namin,” sabi ng suspek, na dahilan din umano kung bakit sila naghiwalay.

Giit niya, makikipag-usap lang sana siya sa kaniyang asawa ngunit humantong ito sa hindi pagkakaintindihan.

“Noong tinalakuran niya ako, doon ako nag-trigger 'yung galit ko lahat-lahat. Lasing po at saka naka-ano lang po ng marijuana,” pag-amin ng suspek, na nahaharap sa kasong parricide.

Tumangging magbigay ng panig ang kaanak ng biktima.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang pamunuan ng paaralang pinangyarihan ng insidente. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News