Para matapos na umano ang kanilang paghihirap, winakasan ng isang ama ang buhay ng dalawa niyang anak na edad 20 at 21, na pareho umanong may kondisyon sa pag-iisip sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing naaresto ang suspek nitong Huwebes sa hot pursuit operation sa itaaas ng isang flyover at hinihinalang magtatangkang tumalon.
Ayon sa pulisya, natutulog ang mga biktima nang pukpukin umano sila ng kanilang ama ng martilyo sa ulo na kanilang ikinamatay.
Sinabi ni Police Regional Office–Northern Mindanao (PRO-10) spokesperson, Police Major Joann Navarro, na idinahilan ng suspek na ama na may problema sa pag-iisip ang dalawa niyang anak kaya pinatay na lamang niya ang mga ito upang matapos na ang kanilang paghihirap.
Ngunit ayon sa mismong kapatid ng suspek, matagal na umanong sinasaktan ng ama ang mga anak nito, pati na ang asawa. Ang naturang pananakit ang posible umanong dahilan kaya rin nagkaroon ng problema sa pag-iisip ang mga biktima.
Idinagdag pa ng kapatid na hindi naman ang suspek ang naghihirap sa pag-aalaga sa mga biktima kung hindi ang asawa nito. Wala umanong ginawa ang suspek kung hindi ang uminom, at siya ang nagiging problema sa pamilya.
Desidido naman ang pamilya na magsampa ng kasong parricide laban sa suspek.
Nanawagan din ang pamilya ng tulong para sa gastos sa pagpapalibing sa magkapatid.—FRJ GMA Integrated News
