Bumuo ng task force ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City upang imbestigasyon ang hinihinalang pagmamalupit sa isang aso na natagpuan ng kaniyang mga amo na putol ang dila. Pero may nagbigay ng impormasyon na ang kawawalang aso, napaaway umano sa ibang aso.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing binubuo ng pulisya at City Veterinary Office ang task force para malaman kung ano talaga ang nangyari sa asong si “Kobe” na matagpuang duguan at putol ang dila.

Sa isang CCTV footage, madidinig ang pag-alulong ng aso na tila nasasaktan noong madaling araw ng Martes. May nakita ring ilaw na tila galing sa isang motorsiklo na umabate. May ilan pang aso na nakita rin sa lugar.

Hanggang sa nakita na lang ng pamilya ni Rodlee Rivera-Zulueta ang hinahanap nilang alaga na duguan at putol na ang dila. Ang naputol na dila, nakita naman hindi kalayuan sa lugar.

Nakawala umano sa pagkakatali si Kobe at nakalabas ng kanilang compound.

Dinala sa veterinary clinic si Kobe na nakitaan ng sakit. Hindi na raw maibabalik ang naputol nitong dila.

Sa isinasagawang imbestigasyon, inihayag ng Valenzuela police na isang saksi ang lumantad at nagbigay ng impormasyon.

Sinabi ng saksi na nasugatan si Kobe matapos na napaaway at makagat ibang aso sa kalsada.

Patuloy na kinukumpirma ng pulisya ang nakakalap nilang impormasyon at ebidensiya.— FRJ GMA Integrated News