Inaasahan na naman ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsada ngayong kapaskuhan, gaya na lamang sa Marcos Highway na inabot ng tatlo hanggang limang oras ang mga motorista sa kalsada. Ang iba naman, naglakad na lamang pauwi. Paano nga ba masosolusyunan ang “carmageddon” tuwing mga holiday?

Sa GMA show na "Unang Hirit" nitong Biyernes, naging panauhin sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Atty. Giovanni Lopez at Move As One Coalition spokesperson Wilhansen Li.

Ayon kay Lopez, agad niyang ipinag-utos sa LRTA na pahabain ang oras ng operasyon sa linya na sinasakupan ng Marcos Highway.

“Kapag mas mahabang oras, mas madaming masasakyan ang ating mga pasahero. Kapag mas madaming sumasakay, mas mababawasan ang ating mga sasakyan sa kalsada,” sabi ni Lopez.

Inamin ni Lopez ang sitwasyon sa bansa na limitado ang mga imprastraktura sa kalsada.

“Ang importante po dito ay parating disiplina po ng mga driver, ng mga commuters. Kasi po kung mapapansin niyo po, kapag may traffic, umuusad naman po ‘yan. Basta po nasa linya tayo, holiday season na po tayo, nagkakaroon lang talaga ng malaking problema kapag may mga makukulit at talagang ‘yung mga may nagka-counterflow and everything,” ani Lopez.

Dagdag ng DOTr Secretary, magdadagdag pa sila ng maraming enforcers, sa pakikipagtulungan sa mga LGU at MMDA.

Ipinunto naman ni Li na mas nauunang huminto ang operasyon ng tren kaysa sa pagsasara ng mall kaya pinipili ng ilan na magkotse o magbook ng TNVS.

“Kasi sa kakulangan ng ating public transport, kaya nakakotse ang karamihan ng mga tao. Kasi car-centric pa rin ang ating mindset,” sabi ni Li.

Nakadagdag pa sa hirap ng ilang pasahero na nagdadala sila ng mga maleta o stroller para pambuhat ng kanilang mga pinamili.

“Tapos kung maglalakad po kayo, ang pedestrian natin, hindi walkable. Kung bibili ka, so either mag-backpack ka o magdala ka ng maleta. Kung may maleta ka, o kung mayroong kang stroller, either for your fur baby or for your baby. Mahirap talaga,” saad niya.

Sa panig ng DOTr, sinabi ni Lopez sa mga pamunuan ng MRT-3 at EDSA busway na bawal ang magkaaberya sa mga panahong ito.

Para naman sa grupo nina Li, dapat na makumbinsi ang publiko na huwag nang gumamit ng mga kotse at sa halip, humanap ng mga alternatibong paraan para sa pampublikong transportasyon.

Iminungkahi din ni Li na magdagdag ng bus lanes sa Marcos Highway.

Panoorin ang buong talakayan nila sa usapin sa video ng Unang Hirit, at tugon ni Lopez sa panawagan na itigil ang mall sale. – FRJ GMA Integrated News