Nasawi ang isang padre de pamilya matapos barilin sa harap ng kanilang bahay sa Jaen, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Ted Veneracion.
Mapanonood sa CCTV ang pag-aligid ng isang rider sa bahay ng biktima sa Barangay Sapang noong Disyembre 5 bago ang pamamaslang.
Sa isa pang larawan, isang pang lalaki ang nakunan na umangkas sa motorsiklo at tumakas.
Agad rumesponde ang barangay sa crime scene pero dead on the spot ang biktima.
“Nakarinig kami ng dalawang putok. Tapos noong tiningnan namin kung ano ang nangyari sa labas ng bahay, nakita na lang namin nakahiga na ‘yung tatay ko na maraming dugo sa ulo,” sabi ni Anne Veneracion, anak ng biktima.
Dito na tumawag ng tulong ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad.
Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking ng pulisya para mahanap ang mga lalaki, at malaman ang motibo sa pamamaslang.
Nailibing na ang biktima, habang nanawagan ng hustisya ang kaniyang mga kaanak sa sinapit ng kanilang padre de pamilya.
“Sa huli naming pagte-check ng mga CCTV, doon nga namin napatunayan na maaga pa lang umiikot-ikot na sila, inaabangan nilang lumabas si father. Then umiikot sila doon sa may area ng mga pulis, which noong time naman no’n bago mangyari ‘yon is umalis ‘yung pulis na magse-security naman sa eskuwelahan. ‘Yun ‘yung tsinempuhan nila na pagkakataon at time naman na naglilinis si padre ng sasakyan, kaya nagawa nila ‘yung crime,” sabi ni Police Senior Sergeant Jorge Magtalas, imbestigador ng Jaen Police Station. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
