Nagulantang ang mga bisita sa isang wildlife park sa Zhejiang Province, China nang bigla na lang atakihin ng isang oso ang kaniyang handler sa gitna ng live performance.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood na ang pakikipambuno ng oso sa kaniyang handler.
Pinilit ng handler na tumayo, ngunit ilang beses siyang inatake ng oso.
Ilang saglit pa, sumaklolo at nagtulong-tulong na ang iba pang handler para awatin ang oso.
Matagumpay naman nilang napaghiwalay ang oso at ang kaniyang handler.
Sinabi ng pamunuan ng park na parehong ligtas at nasa maayos na kalagayan ang oso at handler. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
