Isa ang manok sa mga paboritong iluto ng mga Pinoy na halos lahat ng parte ng katawan ay kinakain. Kaya naman sa Arayat, Pampanga, talagang walang tapon sa manok dahil kahit ang palong nito ay kanilang niluluto. Ano naman kaya ang lasa? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Dami Mong Alam, Kuya Kim!, ipinakilala si Angela Joy Lulu, isang full-time food content creator na nagluluto ng palong ng manok.

Kuwento ni Angela Joy, isinasama ang palong ng manok sa ilang lutuin sa kanilang lugar.

Hanggang sa nag-eksperimento siya na magluto ng bagong recipe mula sa palong ng manok.

“So naisip ko, ‘yung iluto siya nang separate or mag-create ng bagong luto gamit ang palong ng manok. So doon nag-start. Para kakaiba naman,” sabi niya.

Inilarawan ni Angela Joy ang pagkain ng palong ng manok.

“May texture siya ng parang kamukha noong sa tenga o pisngi ng baboy which is 'yung ginagawa ngang sisig. Kaya doon din nag-start 'yung pag-upload ko noong sisig na palong ng manok. Masarap naman siya,” ayon kay Angela Joy.

Ipinaliwanag naman ni Kuya Kim na nakikita sa palong ng manok kung malusog ang isang manok. Kulay bright-red ito kapag maganda ang kondisyon ng manok, at pumupusyaw naman kapag may sakit.

Nakatutulong din ang palong sa pag-regulate ng body temperature ng mga manok dahil dito dumadaloy ang mainit na dugo para lumamig sa tulong ng hangin. Puno ito ng blood vessels kaya mabilis dumugo ang palong ng manok kapag nasusugatan.

Sa kabila nito, hindi araw-araw nakokolekta ang mga palong ng manok. Nakakakuha lang nito kapag kapag may handaan o may maramihang katay ng mga manok.

“Ang palong ng manok or chicken comb ay nagtataglay ng iba't ibang amino acids, protina, at saka fat or kolesterol. 'Yung mga amino acid niya ay nakakatulong po sa ating kasukasuan o sa pagpapatibay ng ating mga joints,” sabi ng nutritionist na si Lois Anne Manansala.

“Ang palong ng manok sa paghahanda nito ay ang importante lang naman po ay nakakasiguro tayo sa pinanggalingan po ang laman niya. Hindi po dapat double dead 'yung ating manok. At 'yung po mismo 'yung pag-process o pagluluto niya ay sanitary or malinis ‘yung ating ginagamit sa pagluluto,” dagdag ni Manansala. – FRJ GMA Integrated News