Nalagay sa peligro ang buhay ng isang skydiver matapos sumabit ang kaniyang parachute sa poste ng traffic light at muntik pumulupot sa kaniyang leeg ang lubid nito sa Mexico City, Mexico.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa isang video na napatakbo ang ilang saksi dahil sa pangambang pumulupot ang lubid sa leeg ng lalaki.

Naalis naman ng skydiver ang tali sa kaniyang leeg, habang nagtulungan ang iba pang sumaklolo na maalis ang parachute sa pagkakabuhol sa poste ng traffic light.

Halos bumigay ang poste sa lakas ng pagkahila at pagwasiwas ng mga tumulong sa parachute. Inabot ng dalawang minuto bago nila natanggal ang parachute.

Tumabingi naman ang puwesto ng traffic light.

Sinabi ng pulisya na dinala sa presinto ang lalaki at inaalam din kung nagdulot ng pinsala ang pumalya niyang pag-landing.

Sa kabutihang palad, hindi naman nasira ang traffic light at ang poste kaya siya pinakawalan ng mga awtoridad.

Nasa maayos ding kalagayan ang skydiver.

Samantala, isang skydiver naman ang lumambitin matapos sumabit sa mga kable ng kuryente noong Hulyo 2025 sa Lorenzan Road sa Tracy, California.

Agad na rumesponde ang mga bumbero pero hinintay munang ma-switch off ang linya ng kuryente.

Pahirapan ang pagtanggal sa buhol-buhol na tali, pero ligtas nilang naibaba ang skydiver na nagtamo lamang ng minor injuries.

Hindi naman nagdetalye ang mga lokal na ulat ng palyadong pag-landing ng skydiver.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News