Marami ang nabahala sa lumabas na balita tungkol sa pagkamatay ng isa ama dahil sa rabies, siyam na buwan matapos na makagat ng aso. Ngunit lingid marahil sa kaalaman ng iba, maging ang kalmot pala ng pusa ay maaaring pagmulan ng rabies at maging dahilan din ng kamatayan gaya ng sinapit ng isang batang babae.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan ang mapait na nangyari sa factory worker na si Janelo, na pumanaw noong Mayo dahil sa rabies.
Agosto 2024 nang nakagat ng aso na alaga ng kaniyang kamag-anak si Janelo. Kaagad na natukoy na may rabies ang aso dahil sa bukod sa hindi nabakuhan ang aso, bigla ring nagbago ang ugali nito matapos makagat si Janelo.
Upang hindi na makadisgrasya ng ibang tao, pinatay na nila ang aso. Habang si Janelo, nagpabakuna ng anti-rabies. Ngunit ang unang turok sa kaniya na dapat niyang gawin ng apat na ulit sa magkakaibang araw, hindi na nasundan.
Kuwento ng buntis pa man din na asawa ni Janelo na si Eva, bukod sa nataon na may trabaho ang kaniyang mister sa susunod na bakuna, nanghihinayang din ang mister sa gastos sa bakuna na may kamahalan.
Naging maayos naman ang kalagayan ni Janelo matapos ang unang turok, pero nakaramdam siya ng masama noong Mayo gaya ng hirap sa paghinga. Hanggang sa kinalaunan, natatakot na si Janelo sa hangin at sa tubig na sintomas ng epekto ng rabies.
Kinalaunan, tuluyan nang pumanaw si Janelo.
Bago siya nawala, nakapag-video pa si Janelo upang ipahayag ang pagmamahal at pasasalamat kay Eva. May mensahe rin siya sa kaniyang anak na alagaan ang kanilang ina.
Kalmot ng pusa
Kung sa kagat ng aso nasawi si Janelo, kalmot naman ng pusa ang pumutol nang maaga sa buhay ng batang si Kacey, 5-taong-gulang, noong Pebrero 2023.
Bagaman mahigit dalawang taon na ang nakararaan, sariwa pa rin sa alaala ni Jefticah, ang mapait na sinapit ng kaniyang anak nang dahil sa kamot ng pusa.
Kuwento niya, natutulog sila noon nang may makapasok sa kanilang kuwarto at makalmot sa mukha si Kacey na nagdugo. Hindi raw nila alam kung saan galing ang naturang pusa.
Hinugasan nila ang sugat ni Kacey pero wala silang kaalaman noon na maaaring magdulot ng rabies ang kalmot ng pusa.
Matapos na sabihin umano ng isang nurse na kalmot lang ang tinamo ni Kacey, hindi na nila pinabakunahan ang bata hanggang sa sumama na ang pakiramdam nito pagkaraan ng isang buwan.
Nilagnat umano si Kacey, at nahirapan huminga kaya dinala nila sa ospital, at inakala na baka asthma lang ang nangyari sa bata.
Ngunit nang magsimula nang matakot si Kacey sa hangin at tubig, doon na nalaman na epekto ng rabies ang nagpapahirap sa bata. Kinabukasan, pumanaw na ang kanilang anak.
"Napakasakit. Wala kang magawa," umiiyak na pahayag ni Jefticah. ""Sabi niya sa akin, 'mama huwag kang umiyak.' Tinanggap niya na mamatay na siya."
Tunghayag ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News
