Sa pagpasok ng “Ber” months, sinimulan nang ibenta ang mga parol at iba pang mga pamaskong dekorasyon sa ilang lugar sa bansa.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing ibinibida na ng mga tindero ang mga makukulay na parol na may iba’t ibang disenyo sa San Fernando, Pampanga, na tinaguriang “Lantern Capital of the Philippines.”
Dahil kilala ang lunsod sa paggawa ng mga parol, inaasahan na bukod sa maganda ay de-kalidad ang kanilang mga produkto.
May mabibili na ring mga parol na kumukuti-kutitap ang mga pailaw sa Lipa, Batangas.
Hindi rin pahuhuli ang Divisoria sa Maynila, na marami nang ibinibentang iba't ibang dekorasyon para sa Pasko gaya ng Christmas tree, Christmas balls, Christmas lights at kung ano-ano pang may kaugnayan sa Pasko.—Jamil Santos/FRJ GMA News
