Natagpuan sa mga ilog na bahagi ng Pangasinan ang dalawa sa apat na nawawalang sakay ng isang multi-purpose vehicle na nahulog mula sa Agana Bridge sa Tarlac City, nang bumagsak ang bahagi ng tulay sa kasagsagan ng pag-ulan noong Sabado ng gabi.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakita ang isang biktima sa ilog na bahagi ng Barangay Carael sa Dagupan City, Pangasinan.
Isang mangingisda ang nakakita sa bangkay sa naturang barangay, at itinawag sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG). Kinilala ng kaniyang mga magulang nitong Martes ng umaga ang bangkay na kanilang anak.
Hiniling din ng mga kaanak ng mga nawawala na dagdagan ang mga tauhan na naghahanap sa mga biktima.
“Sana madagdagan pa ang agarang malaking tulong. Mas maraming tulong, mas mapapadali po ang paghahanap sa tatlo (pang biktima),” apela ni Lowella Tuhao, kapatid ng isang nawawala.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, gumagawa rin sila ng kanilang hakbang upang mahanap ang tatlo, at nagtutungo sila sa ibang bayan at nakikipag-ugnayan sa mga kalapit na lalawigan.
Sa hiwalay na pahayag naman ng lokal na pamahalaan ng Tarlac CIty nitong Martes, sinabing nakita kaninang hapon ang isa pang biktima sa ilog na bahagi ng Barangy San Vicente sa bayan ng Bayambang sa Pangasinan pa rin.
“Dalawa pa po ang hindi natatagpuan kaya patuloy pa rin ang search, rescue, and retrieval operation, kasama ang mga kinauukulang ahensiya at mga karatig-lugar, sa pag-asang matutunton na rin ang dalawa pang nawawala,” ayon sa pahayag.
LOOK: Kinumpirma ni Tarlac City Mayor Susan Yap na natagpuan na ang bangkay ng isa pa sa nawawalang sakay ng MPV na nahulog mula sa bumagsak na Agana Bridge noong Sabado ng gabi, August 29.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 1, 2026
Ayon sa alkalde, nakita umano ang bangkay sa Brgy. San Vicente, Bayambang, Pangasinan… pic.twitter.com/lNUbX32XE1
Lima ang lahat ng sakay sa MPV nang mahulog ito mula sa tulay noong Sabado, at isa lang ang kaagad na nasagip, habang apat ang nawala.—FRJ GMA News
