Walang nagawa ang mga residente sa Hagonoy, Bulacan, kundi lumusong sa baha para makabili ng kanilang mga pangangailangan dahil nananatiling nakalubog pa rin sa tubig ang kanilang lugar kahit umaaraw na.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nakararanas ng pabugso-bugsong buhos ng ulan sa lugar.

Ilan sa mga residente sa Barangay San Agustin ang kaniya-kaniyang diskarte at nilalagay sa palanggana ang mga gamit para maitawid sab aha ang mga ito.

Ang ilan, kaniya-kaniyang dala ng mga pinamalengke dahil sa bayan lang makabibili ng mga paninda at ng makakain. Nilagay naman ng iba ang kanilang pinamili sa salbabida para mas madaling mabibitbit.

Isa namang tindera ang inilagay sa palanggana ang ibinibentang gulay.

Mayroon namang ina ang inilagay ang anak sa pinagbaklasang refrigerator para maihatid ito sa kanilang paroroonan. Ang iba naman, sumasakay sa bangka o sa mga upgraded na tricycle o tikling kung tawagin.

Batay sa Bulacan Municipal Disaster Reduction and Management Office o Hagonoy MDRRMO, sa 26 na barangay, walo pa rin ang lubog sa baha sa Hagonoy, kabilang ang Barangay San Agustin.

Lumubog din ang simbahan at ang barangay hall sa hanggang hita na baha. Sa bandang looban naman, aabot na ito ng hanggang dibdib at may lampas tao pa.

Sa buong Hagonoy, nasa 994 katao o 334 families ang inilikas sa 19 evacuation centers.

Inabandona na ang ilang mga bahay sa Mary the Queen subdivision sa Barangay San Sebastian. Sa 380 na bahay, 30% na lang ang may nakatira pa dahil sa nararanasang pagbaha.

Nakikiusap ang mga residente sa Bulacan, lalo sa Hagonoy sa national government na bigyan ng malinaw at epektibong solusyon ang kanilang problema, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA News