Ibinahagi ng OPM artist na si TJ Monterde na wala talaga siyang balak noon na i-record ang hit song niya na “Palagi,” dahil personal na awitin niya ito na alay niya sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng relasyon nila ni KZ Tandingan.
“Noong una, hindi siya intentional to be recorded pa. Kasi it was just a celebration for a celebration. Milestone namin ni KZ. Ten years simula nu’ng nakilala ko siya,” pagbabahagi ni TJ sa guesting niya kamakailan sa “I-Listen with Kara David.”
Kuwento ni TJ, naghanda siya ng isang surprise dinner para kay KZ, at doon niya inawit ang “Palagi.”
“Sinelebrate namin 'yung day na ‘yon. And I set up a surprise dinner for her. Kinanta ko 'yung ‘Palagi.’ And sobrang nagustuhan niya. Parang, ‘Babe, maganda 'yung song na ito,’” balik-tanaw ni TJ sa sinabi sa kaniya ni KZ.
BASAHIN: TJ Monterde, takot sumali sa singing contest?
Nagustuhan ito ni KZ, hanggang sa magpasiya silang i-record ito. Hindi inasahan ni TJ na ito ang magbibigay-daan para muling sumigla ang karera niya.
“After namin i-record, ‘yun na. Wildfire. Because it was everywhere. And nagkaka-confidence na ako ulit. Oh my gosh, baka... Sabi ko, ‘Lord, meron pa pala.’ Parang hindi pa pala tapos. Akala ko tapos na,” saad niya.
Sa pag-viral ng kaniyang kantang “Palagi,” muli nang nakatanggap si TJ ng mga invite at iba pang projects. Kalaunan, unti-unti na rin niyang natutugunan ang kanilang mga pangangailangan.
“And one thing I was so happy about was 'yung unti-unti kayo ka na mag-provide,” ani TJ.
Bago nito, ibinahagi ni TJ na noong lumipat sila ng bahay ni KZ, si KZ ang nag-down payment ng bahay.
BASAHIN: TJ Monterde, niregaluhan si KZ Tandingan ng lote para sa kanilang dream home
Habang sinusulat ang kantang palagi, naging bukas siya sa Diyos tungkol sa kaniyang sitwasyon na hindi niya matugunan ang mga pinansiyal nilang pangangailangan.
“You have to be open. You have to just surrender everything. 'Yung maging vulnerable ka sa Panginoon. You wanna be mad, be mad. Sabihin mo lahat. Buksan mo 'yung puso mo. So sinabi ko talaga lahat,” pagbahagi niya.
“Sabi ko, Lord, ‘Itong bahay na ‘to, siya 'yung nagbabayad nito. Ang binabayaran ko dito tubig, kuryente lang. Hanggang dito na lang po ba talaga ako?’ Sinabi ko ‘yun,” patuloy niya.
Ikinukuwento ni TJ ang kaniyang karanasan para sa may mga pinagdadaanan na huwag mawalan ng pag-asa.
“Kasi to encourage people also na huwag kayong mawalan ng chance. Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Kasi that was just like what? 2023. Sinabi ko three years ago na, Lord, ‘Hanggang kuryente at tubig na lang ba ako?’ And just last month, I gifted her our dream lot where we will put up our dream home,” pahayag niya.
Kung kaya hindi nalilimutan nina TJ at KZ na pasalamatan ang Panginoon, maging sa mga concert, dahil sa mga biyayang kanilang natatanggap.
“And pag time na, sinabi ni Lord na this is your time, this is for you, mabilis yun. And opening statement lagi namin sa concerts na ginagawa namin, iba ang oras ng Panginoon sa oras natin,” ayon kay TJ.- FRJ GMA News
