Bangkay na nang matagpuan ang isang 21-anyos na lalaki na nalunod matapos siyang tumalon at maligo sa Ilog Pasig kasama ang mga kaibigan sa Barangay Bambang, Pasig.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing sinisid ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard hapon ng Linggo ang bahagi ng ilog kung saan nalunod umano ang biktima.
Sinabi ng barangay na daungan ng mga bangka patawid sa kabilang barangay ang pinangyarihan ng insidente.
Narekober na ng mga awtoridad ang wala nang buhay na biktima mag-5 p.m., tatlong oras mula nang siya ay malunod.
“Matigas na po 'yung buong katawan niya. Bale sumuka na rin po si patient,” sabi ni Bennidick Quimson, medic ng Barangay Bambang.
Mga kaibigan na kasamang maligo ng biktima ang nagturo sa kaniyang kinaroroonan matapos malunod.
“Parang nagbibiro po na nalulunod kasi nakita po nila, nakangiti daw po. Ayun na raw po 'yung huling kita nila na hindi na po umangat... May biglang lalim din po kasi 'yung ilog. Ngunit itong mga nag-uulan, talaga pong tumataas 'yung ilog. Hindi po malakas 'yung current,” sabi ni Quimson.
Sinabi ng kaanak ng biktima na kinilalang si Kevin Tarlino, hindi siya nagpaalam na maliligo sa ilog.
Bago nito, isang menor de edad na rin ang nalunod sa Ilog Pasig nito lang Agosto 24, ayon sa barangay.
Kasunod ng mga insidente, mas naghihigpit ngayon ang pagmo-monitor ng mga awtoridad sa lugar.
Isinasara nila ang gate na daanan patungo sa daungan tuwing 7 p.m. —Jamil Santos/KG GMA News
