Nalunod ang isang 11-anyos na batang lalaki matapos siyang tangayin ng malakas na agos ng baha na nilikha ng dumaang van. Ang biktima, tinangay ng agos patungo sa isang creek sa Barangay Canumay West, Valenzuela noong Linggo.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Jasper Dalut, na ayon sa responding volunteer rescuer ay lumutang ang katawan sa creek na sakop ng isang subdivision sa Barangay Veinte Reales.
“Bale, ang naka-recover na po noon is 'yung mga taumbayan na po. Dinala po siya sa Barangay Veinte Reales para po dalhin sa ospital para i-revive din 'yung bata. Wala na po talaga, sir that time po,” sabi ni Renato Otic Jr., rescuer ng Brgy. Canumay West Fire And Rescue Volunteer Brigade.
Ayon sa mga rescuer, may dumaan umanong malaking closed van sa kalsada, na lumikha ng malakas na alon kaya tinangay ang biktima. Lumusot siya sa ilalim ng barrier bago nahulog sa creek.
Tinangka siyang sagipin ng kaniyang 13-anyos na kalaro, pero nabitawan siya.
“Sinubukan niyang iangat, hindi niya po talaga kaya. Siya naman po is nakahanap ng tali.
That time, kinuha niya po. Ginrab niya po ‘yun para ma-save niya 'yung sarili niya rin. Lumabas daw 'yung pahinante, sinubukan din. So hindi yata marunong din lumangoy 'yung pahinante, wala na rin po silang nagawa that time,” sabi ni Otic.
Nagluluksa ang mag-asawang Marichu at Edwin Dalut sa pagkasawi ng kanilang anak.
Isang OFW sa Kuwait ang ina ng biktima, na hindi inakala na sa kabaong na niya makikita ang kanilang bunso.
“Kailangan po rin namin tanggapin dahan-dahan kasi mayroon pa akong anak na umaasa din sa akin,” sabi ni Marichu.
“Mahirap dahil araw-araw ko siya nakasama. Nakikita ko 'yung kakulitan niya, 'yung lambing niya sa akin. Masakit,” sabi ni Edwin.
Nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa pamilya ni Jasper. – Jamil Santos/FRJ GMA News
