Inaasahang magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, batay sa pagtaya ng oil industry source.

Sa panayam ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni Rino Abad, director ng Department of Energy-Oil Management Bureau, na malaki ang posibilidad ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Pinayuhan ni Abad ang mga motorista na magpakarga na ng grudo bago pa man maipatupad ang price hike na ipinatutupad ng mga local oil companies sa Martes ng umaga.

Opisyal namang inaanunsyo kung magkano ang patong o bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo tuwing Lunes.

Bagaman walang binanggit si Abad kung magkano ang itataas sa presyo ng diesel, gasolina, at kerosene dahil hinihintay pa nila ang resulta sa limang araw na resulta ng kalakalan sa world market, inihayag naman ng isang oil industry source na maaaring umabot sa P4.00 hanggang P4.50 ang itataas sa presyo ng diesel.

Samantalang sa presyo ng gasoline, nasa P3.50 hanggang P4.00 per liter ang maaaring madagdag. – FRJ GMA News