Patay ang tatlong bata—magkapatid ang dalawa— matapos masunog ang kanilang bahay sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong. Ang mga biktima, naiwan sa bahay dahil nagtatrabaho noon ang kanilang mga magulang.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing magsimula ang apoy sa ikaapat na palapag ng isang bahay sa Block 39 dakong 7 p.m.
Nagtulong-tulong ang mga residente na apulahin ang apoy ngunit hindi na nasagip ang mga bata.
Pagpasok ng mga awtoridad sa kuwarto sa ikaapat na palapag, bangkay na nang matagpuan ang magkapatid na edad apat at dalawa. Nakita rin sa labas ng kuwarto ang kaanak nilang pitong-taong-gulang na babae.
Matitinding paso sa katawan ang tinamo ng batang babae na dinala sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.
“‘Yung dalawa po ay natagpuan natin sa mismong fire scene na dead on the spot. ‘Yung isa naman naisugod pa sa ospital pero kalaunan ay idineklara ring dead on arrival,” sabi ni Fire Inspector Bryan Acidre Pillula, Chief Operations, BFP Mandaluyong.
Sinabi ng BFP na naiwan ang mga bata sa bahay dahil nasa trabaho ang kanilang mga magulang.
Labis ang pagdadalamhati ng kanilang mga magulang, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Batay sa tantiya ng BFP, nasa P200,000 halaga ng pinsala sa ari-arian dahil sa sunog.
“Hanggang ngayon, under investigation pa rin siya. Pero ang aming na-find out is ‘yung source or ‘yung origin ng fire. Doon lang po talaga siya sa 4th floor,” sabi ni Pillula. – Jamil Santos/FRJ GMA News
