Isang kilalang personalidad at limang iba pa ang iniuugnay sa nangyaring pamamaril at pagpatay sa isang 22-anyos na working student sa San Jose, Batangas noong nakaraang Oktubre, ayon sa Philippine National Police (PNP). Love triangle ang isa sa tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

Ngayong Lunes, kinumpirma ni PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co ang impormasyong ito sa GMA News Online sa pamamagitan ng isang mensahe. Gayunman, hindi pa niya tinukoy ang pagkakakilanlan ng sinasabing kilalang personalidad.

Kabilang ang love triangle sa tinitingnan ng mga imbestigador na motibo sa likod ng krimen.

Gabi noong Oktubre 25 nang barilin ang biktima habang bumibiyahe sakay ng kaniyang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Banay-banay II.

Sakay ng hiwalay na motorsiklo ang mga salarin at sinabayan ang biktima sa highway at pinagbabaril habang umaarangkada.

Ayon sa pulisya, inakala noong una na naaksidente ang biktima nang matumba hanggang sa makita ng mga rumespondent rescue team ang tama ng bala sa kaniyang katawan.

Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital dahil sa tama ng bala na tumagos sa kaniyang dibdib.

Pauwi na galing sa isang restaurant ang biktima kung saan siya nagtatrabaho at tumutugtog nang mangyari ang krimen. —FRJ GMA News