Inalmahan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagpayag nito kay dating House Speaker na si Martin Romualdez na magkaroon ng personal assistant habang nakakulong.
Sa kaniyang programa sa dzRH, idiniin ni Remulla ang mga nauna niyang komento tungkol sa aide umano ni Romualdez.
“Nagugulat ako eh.. Walang dahilan yan para payagan yan. Ano yan? Mayroong nakakulong na mayaman na may alalay? Na galing sa labas? Ano yan? Mafia?," sabi ni Remulla sa kaniyang programa sa radyo.
“Imbestigahan ko yan,” dagdag ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na kilala niya ang mga taong nasa likod nito, ngunit hindi siya nagbanggit ng kanilang mga pangalan.
Tumugon na ang BJMP kay Remulla, na sinabing iginagalang nila ang kaniyang mga komento at iimbestigahan din ang bagay na ito.
“The Bureau is conducting an investigation into the arrangement authorized by one of its jail wardens. Pursuant to the directive of the DILG (Department of Interior and Local Government) Secretary, the BJMP will submit its comprehensive report to the Department within the prescribed period,” saad ng ahensiya sa isang pahayag.
“The BJMP will not tolerate unauthorized privileges or any form of preferential treatment in the custody of persons deprived of liberty. Should any violation of policies be established, appropriate action will be taken against the personnel found responsible,” dagdag nito. —VBL GMA News

