Patay ang isang ginang habang sugatan naman ang kanyang anak matapos silang barilin habang nasa labas ng tindahan sa Caloocan City. Ang punong barangay sa lugar ng pinangyarihan ng krimen, walang maisip na dahilan para targetin ang mga biktima.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing dakong 10 p.m. nang barilin ng salarin ang mag-inang Maria Nina Arcinas at anak niyang si Alyas Tope, habang nasa labas ng tindahan sa brgy 131.

Binawian ng buhay si Maria, habang hindi pa batid ang kalagayan sa pagamutan ng kaniyang anak.

Bago mangyari ang pamamaril, nahagip pa ng CCTV camera ang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Maya-maya pa, bumaba ito ng sasakyan at pinuntahan ang kinaroroonan ng mga biktima, at narinig na ang sunod-sunod na putok ng baril.

Ayon sa kapitan ng barangay, tahimik na residente sa lugar ang pamilya ng biktima at wala sa drug watchlist ang napaslang na ginang. -- FRJ, GMA News