Natapos nitong Biyernes Santo ang prusisyon ng imahen ng Jesus Nazareno makalipas ang mahigit 13 oras, ayon sa Quiapo Church.
Batay sa monitoring ng simbahan, ang prusisyon ay opisyal na tumagal ng 13 oras, 18 minuto, at 37 segundo.
Nagsimula ang prusisyon 11:33 p.m. ng Huwebes Santo at natapos nitong 12:51 p.m. ng Biyernes Santo, ayon sa Quiapo Church.
May kabuuang 517,650 deboto ang sumali sa prusisyon.
Nauna nang sinabi ng Quiapo Church na ang prusisyon ay pinangunahan ng mga Hijos del Nazarenos, na nagsisilbing tagapag-alaga ng banal na imahen, at ng mga tapat na "Mamamasan" o mga tagapagdala ng estatwa.
"The whole Good Friday morning procession reminds the bitterness of the passion of Christ, from the carrying of His cross until the three painful hours being crucified at the cross and up to His death," anang mga opisyal ng simbahan.
Ayon pa sa Quiapo Church, 397 insidenteng medikal ang naiulat sa prusisyon.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News Bulletin, sinabing sumama ang pakiramdam ng ilang deboto dahil sa init ng panahon.
Ilang deboto ang nagpatingin sa mga naka-standby na medic sa simbahan.
Isinagawa sa simbahan ng Quiapo ang Siete Palabras o “Ang Pitong Huling Wika ng Panginoong Hesukristo” ng 12 p.m.
Ginanap naman ang pagdiriwang sa Pagpapakasakit ng Panginoon o Veneration of the Cross ng 3 p.m.
Pagdating ng 5 p.m., gaganapin ang prosesyon ng paglilibing sa Panginoong HesuKristo.—Jamil Santos/Joviland Rita/LDF GMA News
