Pinag-aaralan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibilidad na atakihin nila ang mga mosque na pinagtataguan ng mga Maute group sa Marawi City.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., pinahihintulutan sa ilang international laws ang pagsalakay sa mga lugar ng sambahan. Gayunman, mahigpit umano ang bilin ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año sa mga sundalo na iwasan ang naturang uri ng operasyon.
“There are provisions that may allow for us to take action against them… Pinag-aaralan naming mabuti. Hindi ko sasabihing titirahin pero pinag-aralan namin mabuti, kasi may kautusan si chief of staff that we will avoid doing that as much as possible,” paliwanag ni Padilla sa Mindanao Hour na ginanap sa Malacañang nitong Lunes.
“May exemption. Maski sinong tao na armado na nag-harbor sa isang lugar, maging ospital man ito o places of worship, kung sila nagpupumilit at manatili doon, may provision doon internationally na puwede silang gamitan ng karahasan,” dagdag ng opisyal.
Una rito, sinabi ng pamahalaan na ilang sibilyan ang ginamit na human shield ng mga tumatakas na Maute matapos nilang salakayin ang Marawi City noong May 23.
Ginamit din daw ng mga bandido na staging point sa pag-atake ang ilang madrasah o educational institution at pumusisyon ang ilang sniper sa mosque.
Nakasaad sa Geneva Conventions ang pagbabawal na gamitin sa anumang karahasan ang lugar ng sambahan at maging ang mga cultural property.
Sa AFP Standing Rules of Engagement, nakasad na, “cultural, religious and historical landmarks, civilian population centers, public utilities and other non-military structures, shall be protected and shall not be attacked except when they are used for military purposes.”
Kasabay nito, hinikayat ni Padilla ang mga kasapi ng Maute na sumuko na para maiwasan ang pag-atake nila sa mga mosque sa Marawi City.
“Kaya nga po pasensyoso nating ipinapaabot ang ating panawagan, maski magmukha na po tayong sirang plaka, na sila ay magbaba ng armas at sumuko dahil sa iyong pagkakataong sinasabi mo ay ayaw nating mangyari,” aniya. — FRJ, GMA News
