Isang 13-anyos na estudyante ang namaril sa isang paaralan sa Turkey noong Miyerkules, na ikinamatay ng siyam katao at ikinasugat ng 13 iba pa, habang may mga estudyanteng tumalon mula sa mga bintana upang makatakas. Ito ang ikalawang insidente ng pamamaril sa paaralan sa bansa sa loob lamang ng dalawang araw, ayon sa mga opisyal.

Nangyari ang pag-atake noong Miyerkules sa lalawigan ng Kahramanmaras, na bihira ang ganitong uri ng karahasan.

"We regret to report nine deaths (...) and 13 wounded. Six of them are currently in intensive care, three of whom are in critical condition," pahayag ni Interior Minister Mustafa Ciftci sa pahayag.

"A student came to school with guns that we believe belonged to his father in his backpack. He entered two classrooms and opened fire randomly, causing injuries and deaths," ayon naman kay Kahramanmaras governor Mukerrem Unluer.

Isang 8th grade student ang suspek, at anak ng isang dating pulis, ayon kay Unluer.

Limang baril at pitong magasin umano ang dala ng estudyante, na pinaniniwalaang namatay din matapos magbaril sa sarili.

"We suspect he may have taken his father's weapons," anang gobernador. “It is not yet clear whether this was suicide or happened amid the chaos."

Sa ulat ng Anadolu news agency, sinabing isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang ama ng estudyante.

Sa mga larawang inilabas ng news agency na IHA, makikita ang isang tao na natatakpan ang katawan at mukha habang isinasakay sa ambulansiya, pati na ang mga magulang na umiiyak na nagmadaling pumunta sa paaralan sa pangunahing lungsod ng lalawigan ng Kahramanmaras.

Sa isa pang video na kinunan ng residente mula sa kalapit na gusali at beripikado ng AFP, makikitang tumatalon ang mga estudyante mula sa bintana ng unang palapag upang makatakas sa putukan, habang dose-dosenang iba pa ang tumatakbo palabas ng bakuran.

Dahil sa insidente, nagtungo sa lungsod ang mga ministro ng interior at edukasyon. Ayon kay Justice Minister Akin Gurlek, agad na sinimulan ang imbestigasyon sa insidente.

Nangyari ang insidente isang araw matapos na nagpaputok ang isang dating estudyante gamit ang shotgun sa kaniyang dating paaralan sa Siverek sa lalawigan ng Sanliurfa.

Nasugatan ang 16 katao—kabilang ang 10 estudyante-- bago tinapos ng suspek ang sariling buhay makaraang lumaban pa sa mga pulis.

Nanawagan ang pinuno ng pangunahing oposisyon na CHP na si Ozgur Ozel para sa mas malawak na hakbang sa seguridad.

"At this point, it is clearly evident that violence in schools can no longer be explained by isolated incidents," saad niya X.

"This issue has turned into a growing and deepening security vulnerability," dagdag pa niya.

Sinabi niyang mahalaga na ang mga hakbang tulad ng mas mahigpit na kontrol sa mga pasukan at labasan ng paaralan, pagdaragdag ng bilang ng security personnel, pagpapalakas ng mga camera system, mas masinsinang police patrol sa paligid ng mga paaralan, at paghahanda ng mga emergency crisis plan. – ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News